Nitong Lunes, Hulyo 16, 2012 gumawa ng kasaysayan ang Eat Bulaga! bilang kauna-unahang noontime show sa Pilipinas na nagkaroon ng international franchise sa ibang bansa – ang Eat Bulaga-Indonesia. .
Pagkatapos ng 33 na taon na pagpapasaya sa mga Pilipino, masaya ang mga EB Dabarkads sa Pilipinas sa naturang franchise. Dahil dito, mapapasaya na rin mga dabarkads sa Indonesia ang kanilang mga kababayan.
“Today marks another milestone for Eat Bulaga as the first international franchise of our show will be launched at 4 p.m. in Indonesia. Eat Bulaga, Indonesia in SCTV," saad sa opisyal na pahayag na ipinalabas ng Eat Bulaga-Pilipinas noong Lunes.
Tulad ng Pinoy version ng Eat Bulaga, mayroon ding mga palaro at segment ang EB-Indonesia;
tulad ng "Bulagaan" (Bolagaan), Karaoke Games, "Juan For All All For
Juan" (Satu Untuk Semua, Semua Untuk Satu), ang tinaguriang "Pambansang
Laro ng Bayan" ang Pinoy Henyo (Indonesia Pintar).
Kung may Bossing Vic Sotto ang EB-Pilipinas, mayroon ding 'bossing' ang EB-Indonesia na si Boss Uya Kuya.
Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel para sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Huwebes, sinabing mismong ang program director ng SCTV, isang malaking TV network sa Indonesia, ang mismong lumapit sa EB-Pilipinas para mai-franchise ang programa.
Ayon kay Malou Choa-Fagar, SVP and COO, ng TAPE Inc., naging maganda ang rating ng pilot airing ng EB-Indonesia.
Kumpiyansa si Malou na lalakas pa ang hatak ng programa sa pagdaan ng mga araw.
Sinabi naman Sen. Tito Sotto, isa sa mga pangunahing host ng EB-Pilipinas, ang tagumpay ng show ay tagumpay ng buong bansa
“Ito’y
dapat ipagmalaki ng buong bansa sapagkat yung nilaman ng tatlong dekada
at yung iba’t ibang klaseng pamamaraan ng entertainment ng Eat Bulaga ay nagustuhan ng ibang bansa, at ngayon ay inadopt nila," anang senador. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News